PHILIPPINE STANDARD TIME | Current Time:

ePassport Updates

Passport Applications lodged on or before
21 October 2014 are ready, EXCEPT...Read more

Notices

SURVEY FOR ALL FILIPINOS IN NSW
 
PUBLIC HOURS
  9:00 a.m. - 1:00 p.m. - Acceptance of Applications
  2:30 p.m. - 4:30 p.m. - Releasing of expedited
                                      applications
 
PUBLIC HOLIDAY CLOSURES
 
SCHEDULE OF FEES

 

Mabuhay!

Welcome to the website of the Philippine Consulate General in Sydney! The Consulate is a foreign mission established in Sydney by the Philippine Government to provide consular services for persons wishing to visit the Philippines, as well as passporting, civil registry and notarial services for Filipino nationals residing and working in the state of New South Wales and the French Overseas Department of New Caledonia.

This website provides information about the services provided by the Philippine Consulate and notices about developments, programs, and activities of the Consulate and the Filipino-Australian community in New South Wales.

If you wish to get in touch with the Consulate, please contact us through our email address sydney.pcg@dfa.gov.ph telephone (02) 9262 7377, or fax (02) 9262 7355.

SPEECH OF PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III ON THE 27TH ANNIVERSARY OF EDSA PEOPLE'S POWER

PDFPrintE-mail

Vice President Jojo Binay; former President Fidel Valdez Ramos; Speaker Sonny Belmonte; Executive Secretary Paquito Ochoa and other members of the Cabinet present; your excellencies of the Diplomatic Corps; Chair Etta Rosales; former Senator Butch Aquino; members of the House of Representatives; local government officials present; honorable Jose T. Pardo; commissioners and members of the EDSA People Power Commission; the Chief of Staff, General Emmanuel Bautista and the men and women of the Armed Forces of the Philippines; Police Director General Alan Purisima and the men and women of the Philippine National Police; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Noon pong panahon ng diktadurya, may isang biro akong narinig. Mayroon daw pong apat na tao sa isang eroplano, diumano’y, isang Amerikano, isang Hapon, isang Pilipino, at mayroon pa hong hindi tiyak ang nationality. Pero medyo nagkaproblema po iyong eroplano raw sa ere, at kinailangang pong magsakripisyo ang ilan—may mga tumalon upang mabawasan ang karga nito at para hindi tuluyang bumulusok sa lupa.

Una raw po ay lumapit po sa pintuan ang Amerikano at sumigaw siya ng “Geronimo!” sabay talon. Matapos nito, ang Hapon naman na kasama ang lumapit sa pintuan, at sumigaw ng “Banzai!” at saka rin po siya tumalon. Pagkatapos nito, ‘yong Pilipino naman po ay lumapit sa banda ng pintuan, sumigaw, “Mabuhay ang Pilipino!” at saka itinulak ang kapwa palabas ng eroplano. [Laughter]

Iyan po ang madalas na puna sa atin, ‘di po ba? Ganyan daw po ang Pilipino: kanya-kanyang hatakan, kanya-kanyang lamangan, kanya-kanyang tulakan. Iyan din po ang kaisipang binasag ng Pilipino sa EDSA. Pinatunayan nating kayang magtipon ng Pilipino; kaya nating magtulungan; kaya nating magtaya ng buhay para sa isa’t isa. Sa EDSA, inisip natin ang kapakanan ng bayan at ng kapwa, bago ang sariling interes. Makalipas po ang dalawampu’t pitong taon matapos nating labanan at waksan ang diktadurya, muli tayong nagtitipon sa mismong pook na ito kung saan nakamtan natin ang tagumpay.

Tiyak pong marami pa sa atin ang nakakaalala: Hindi simpleng bukambibig lamang ang kinailangang itaya noon. Hindi kalabisang isipin, na anumang sandali, maaaring dumanak ang dugo sa EDSA. Totoong baril na may totoong bala ang itinutok sa Pilipino ng kapwa Pilipino; umugong sa himpapawid ang mga armadong helicopter at eroplano; gumulong rin ang mga tangkeng sasagupa sa mga sibilyang ang tanging tangan ay bulaklak at rosaryo. May mga kinabahan nga po sa posibilidad ng isang digmaang sibil.

Ngunit hindi po tayo nagpadaig sa takot. Sibilyan man o sundalo, tumaya para sa kapwa. Habang nakita ng isa na hindi natitinag ang kanyang katabi, lalo pa siyang kumisig; lalo pang humigpit ang kanyang pakikipagkapit-bisig. Nagbunsod ng tapang at paninindigan ang kaisipang “Hindi ka ngang tunay na nag-iisa,” na siyang pumuksa sa takot at pagdurusang dala ng pagkakanya-kanya. At sa harap nga po ng isang dagat ng mga Pilipinong pinadaluyong ng malasakit at pag-asa, walang sandatang umubra: Nakamtan natin ang tagumpay ng EDSA.

Hinangaan po tayo ng buong mundo; naging huwaran ang People Power ng iba pang mga rebolusyon na nagpabagsak ng diktadurya sa ibang panig ng daigdig. Nagbigay tayo ng pag-asa sa iba pang mga lahi: Kakayanin pala, posible pala, hindi pala kailangan ng dahas upang makamtan ang pagbabago.

Sa paggunita ng ating tagumpay, marapat ding balikan muli ang mga pilat na iniwan ng Batas Militar sa ating pambansang alaala. Nariyan ang mga dinukot sa gitna ng gabi; ang mga ikinulong nang walang pasabi; ang mga ninakawan, pinahirapan, at pinaslang; ang pagdurusa ng napakarami habang nagpapakasasa naman ang iilan. Ang bayang ginatasan na nang husto, ginusto pang gawing bulaluan. Pinangunahan ito ng isang lideratong walang ibang tuon kundi ang mapahigpit ang kanilang hawak sa kapangyarihan. ‘Di po ba’t kaya nga idineklara ang Batas Militar, dahil iyon na lamang ang paraan ng rehimeng Marcos upang kumapit sa puwesto?

Sa diktadurya, naghari ang prinsipyo ng pagkakanya-kanya: Kanya-kanyang diskarte, kanya-kanyang panlalamang, kanya-kanyang pagsasawalang-bahala sa karaniwang mamamayan. Sa kadilimang iyan umusbong ang iniwan sa ating aral ng EDSA: Na ang panlipunang kapansanang dala ng pagkakanya-kanya ay malulunasan lamang ng pagkakaisa. Kung ang problema ay ang pag-isip ng ilan sa sariling kapakanan, ang solusyon ay ang pagtataya ng nakararami para sa ikabubuti ng kapwa. ‘Di po ba para itong larong Palo Sebo—na kung sumampa ka nang mag-isa, aangat ka nga nang sandali, pero anumang kapit mo, habang nanlalaban ka, lalo ka namang dumudulas pababa? Sino pa nga po ba ang mananalo kundi ang nagtutulungan? Makakamtan lamang ang mga pangarap kung hindi iniisip ng nasa baba ang bigat ng kanyang karga; kung hindi iniisip ng pangalawa na iba ang kukuha sa pabuya; at kung ang pipitas naman ng banderitas ay bukas-palad na ibabahagi sa lahat ang tagumpay.

Isa po iyan sa mga aral ng EDSA, at patuloy ang halaga nito. Hindi pa rin nagbabago ang mga kaisipang magdadala sa atin—at dinadala na nga po tayo—sa katuparan ng ating mga pangarap. Habang pinagtitibay natin ang alaala ng EDSA, minumulat din natin ang mga susunod na henerasyon, upang ang pang-aaping winakasan ng mapayapang rebolusyon ay hindi na maulit pa. Iyan po ang batayang prinsipyo ng Memory Museum na itatayo upang kilalanin at pahalagahan ang pakikipagsapalaran na dinaanan ng napakarami, [applause] bago makamtan ang tagumpay ng People Power.

Malinaw din po: Hindi natatapos sa paggunita ang ating krusada para sa katarungan. Kaya nga po sa araw ding ito, nilagdaan natin ang Human Rights Victims Reparation Act of 2013—bilang pagkilala sa pagdurusang dinaanan ng napakarami noong Batas Militar, at upang ipakitang lumipas man ang henerasyon, hindi tayo panghihinaan ng loob sa pagtatama ng mga mali ng nakaraan. Nagpapasalamat nga po tayo kina Senate President Juan Ponce Enrile at Speaker Sonny Belmonte sa kanilang pagsuporta at pamumuno upang ganap na maikasatuparan ang batas na ito. [Applause] Nagpapasalamat din po tayo sa mga may-akda ng batas na ito: kina Congressman Erin Tañada na pinatunayang bitbit pa rin niya ang sulo na dinala ng kanyang lolo at ama; kay Senador Serge Osmeña, na talaga naman pong hinding-hindi nagsasawa sa pakikipaglaban para sa katarungan. Kabilang po ng iba pang mga nagsulong ng batas na ito, tiniyak nilang hindi man maibabalik ang panahon na ninakaw sa mga biktima ng Batas Militar, masisiguro naman ang pagkilala ng estado sa kanilang pinagdaanan, [applause] at nang sa gayon ay mailapit sila sa tuluyang paghihilom ng mga sugat ng nakaraan.

Tandaan din po natin: Ang EDSA ay hindi pag-aari ng iilan—hindi ito maaangkin ng iilang mukha na nakita sa diyaryo, o ng mga Pilipinong nagtipon sa kalyeng ito; kinatawan lamang nila ang nagkakaisang panawagan ng buong sambayanan para sa kalayaan, dignidad, at katarungan. Gaya nga po nang sa Palo Sebo, ang EDSA ay hindi usapan ng kung sino ang sikat, o kung sino ang nasa itaas o nasa ibaba; hindi ito usapin ng kung kaninong pangalan ang top-billing sa balita. Usapin po ito ng malawakang pagtutulungan para makamtan ang pinapangarap na pagbabago: Mula Baguio hanggang Cebu, mula Davao hanggang Cagayan de Oro, noong Pebrero ng 1986, nagkaisa ang bawat disenteng Pilipino upang isakatuparan ang itinuring na imposible, at magbukas ng bagong kabanata sa ating kasaysayan. Bawat Pilipinong nagdusa, bawat Pilipinong napagkaitan ng kinabukasan, bawat Pilipinong nangarap ngunit nagduda kung maaabot pa ito—sila, ang kolektibong panawagan nila para sa makabuluhang pagbabago, ang bumuwag sa diktadurya.

At ngayon nga po, tinatamasa na nating muli ang demokrasya, at lumalapit na tayo sa katuparan ng mga pangakong dala ng EDSA. Kung dati, hinangaan tayo ng mundo dahil sa pag-asang dala natin sa iba pang mga lahing naaapi, ngayon, hinahangaan muli tayo dahil sa ekonomiya nating nagdadala ng optimismo sa isang mundong binabalot ng agam-agam at pesimismo. Nakabangon na naman po tayo, at maipagmamalaki muli natin ang nagawa nating pag-ahon mula sa mga lubak ng kasaysayan.

Ang naiisip ko nga po minsan, parang nawili na tayo sa siklo ng pagbagsak at pagtindig, na tila ba hindi natin matanggap na maaari tayong dumiretso at umasenso, nang hindi muling nagagalusan, nang hindi muling naaapi, nang hindi muling nasasaktan. Mahirap nga pong aminin: eksperto man tayo sa pagbangon, tila nagkukulang tayo sa pagsulong at pag-asenso.

Ngayong dalawampu’t pitong taon na tayong malaya mula sa tanikala ng diktadurya; ngayong nakaabante na tayo mula sa halos isang dekadang pagdausdos dahil sa pang-aabuso’t panlalamang ng nakalipas na pamahalaan—higit kailanman, dapat lamang na maikintal sa puso’t isip ng bawat isa: Hindi natatapos ang laban sa pagbangon.

Mulat po ako: may kakaharapin pa tayong mga suliranin, at hindi pa rin nga po nauubos ang mga balakid sa ating tuwid na daan. Malinaw po, nariyan pa rin ang mga nakinabang sa nakaraang status quo. Kung madadapa po tayo; kung bibitaw tayo sa isa’t isa; kung magpapadaig tayo sa tukso ng pagkakanya-kanya—tiyak na sasalisi sila at magsasamantala.

Alalahanin po natin ang ating pinagdaanan; kung dati, humarap tayo sa posibilidad ng karahasan upang makamtan ang kalayaan, ngayon, kailangan muli nating lumaban upang tuluyan na ngang mapitas ang bunga ng sakripisyo ng mga nauna sa atin. Ngayon nga pong mulat at natuto na tayo sa mga bangungot ng kasaysayan, ‘di ba’t mas madali na ring tugunan ang mga panibagong hamon?

Kaya nga po, ngayong nakatindig na muli tayo sa ating dalawang paa, sama-sama naman tayong humakbang pasulong sa tuluyang pag-asenso. Tapos na ang panahon kung kailan ang Pilipino ay kuntentong nakapako sa lokasyon, nag-aabang ng susunod na tutulak sa kanya, nakaantabay sa susunod na pagkadapa. Ngayong nakabangon na tayo, halina’t umusad na rin po tayo; halina’t akayin ang kapwa’t ituon ang paningin sa hinaharap; halina’t pagpagin ang mga agam-agam at dumiretso tungo sa katuparan ng ating mga pangarap. [Applause]

Iyan po ang aral na handog sa atin ng EDSA: Ang rebolusyong nagsauli ng demokrasya ay siya ring inspirasyon natin ngayon upang idiretso ang pag-asenso’t pag-arangkada. Araw-araw po nating ipagdiwang ang dangal ng isang lahing hindi na muling babagsak, hindi na muling magpapaapi, hindi na lamang basta makukuntento sa kultura ng pagbangon; araw-araw po nating isapuso ang bagong kultura ng walang-dalawang-isip, walang-atubili, at walang-takot na pagsulong.

Karapatan nating sumulong at umasenso. Obligasyon natin ang kaganapan na ito.

Happy anniversary po sa lahat. Maraming salamat. Magandang umaga po. [Applause]

(The video of the President's message is found online at http://www.youtube.com/watch?v=WBz8laaTK5A)